
 |
 |
|
|
|
Sep 12, 2005

sa gabi, ang dilim ay parang itim na arnibal
na bumubuhos
at tayo, isang pares ng langaw na dito'y nabibighani,
tumitikim, nadidikit, hanggang sa 'di na makalipad
ang malapot at matamis na katas ng gabi, pinupunan ang
mga puwang sa pagitan ng ating katawan,
pinupuno ang kawalang naghihiwalay sa atin sa mga
dingding ng silid
kay bagal ng bawat nating kilos
pero ang ating hininga, di mahabol ng mga kamay
ng orasan
sana, huwag nang dumating ang umaga
sapagkat sa pagsikat ng araw, tutuyuin nito ang dilim
kung paanong ang arnibal ay pinalalabnaw ng pagsundot
ng apoy, pinasisingaw
muli, magkakaroon ng puwang sa pagitan ng ating katawan,
ika'y lilipad palayo, babalik ang kahungkagan sa paligid
at ang tanging iiwan ng natuyong itim na arnibal, sunog
na asukal na kay pait.
25 aug 05
thursday
5.45 pm
*photo by siameseBelle; from www.deviantart.com/deviation/17996974/
Posted at 01:35 am by mr_batuta
Permalink
mga butil ng kani'y nangangatal sapagkat nahahamugan
sa hapag ng hapunan
sa katre nama'y may naglalambong na kawalang-kibong tila
isang telang pinalulundo ng mga sinipsip na luha;
paminsan-minsa'y pinagtatangkaang punitin ang tela
subalit pagninisnis lamang ang kayang gawin ng tikhim
at buntong-hininga
naghihilom na rin ang mga paltos ng ashtray at ang telepono,
nagtikom na ng kanyang mga labi
samantala, sa bawat sulok ng silid, ang mga gagamba'y
nagsisimula nang humabi ng agiw.
10 aug 05
wednesday
6.12 pm
*photo by BlueBlack; from www.deviantart.com/deviation/8888422/
Posted at 01:02 am by mr_batuta
Permalink

ang buhay ay isang bingo card na natatantusan
ng maliliit na piraso ng paghihintay.
bago tayo isilang sa liwanag, tayo'y isinisilang
sa dilim;
ito'y kailangan nating ipaghintay ng halos siyam
na buwan.
ang nanay, naghihintay ng uha sa gabi bago
pasusuhin o kaya'y palitan ng lampin ang sanggol
sa gabi ng buhay ng nanay, maghihintay siya sa pagpatak
ng awa at pagsahod ng oras ng anak niyang pinasuso
na siya ngayong sa kanya'y magpapakain at magpapalit
ng lampin.
labinlimang minutong naghihintay ang isang mamimili sa
supermarket bago mabayaran at matikman ang isang
piraso ng tsokolate
labinlimang araw naman ang ipaghihintay ng kahera bago
matikmang muli ang de-latang Maling.
ang may kanser, naghihintay ng katapusan;
ang bilanggo, naghihintay sa kawalan.
ang buhay ay isang bingo card na natatantusan
ng maliliit na piraso ng paghihintay
minsan, ang mga tantos ay balangkas ng jackpot;
minsan, ang mga tantos ay pabigat lamang sa
card para hindi liparin ng hangin sa ilang.
28 july 05
thursday
7.45 pm
* art by AquaSixio; from www.deviantart.com/deviation/9996821/
Posted at 12:56 am by mr_batuta
Permalink

minsan, tayo'y naghahanap ng mga bagay
na pamilyar.
ang isip nati'y humahabi ng lohikal na
konklusyon mula sa abstraktong konsepto,
kung paanong ang mata'y tumutungkab ng tiyak
na balangkas mula sa masalimuot na biswal.
tumunganga ako sa nagsisiksikang mga ilaw
ng Kamaynilaan, naghahanap ng pamilyar
na konstelasyon
subalit mga mata ko'y tinarak ng liwanag ng mga
bumbilya bago ko pa ma-ispatan ang Northern Cross.
dumungaw ako sa bintana at pinaglakad ang aking
paningin sa gitna ng dumaraang mga tao upang
hanapin ang aking ina sa matandang babaeng may
tangang supot, ang aking ama sa pulubing nakasalampak
sa bangketa, ang Diyos sa sorbeterong may tuwalyang
nakasampay sa balikat
ang natagpuan ko'y bumbunan, batok, braso, sapatos.
tinangka kong bumuo ng pamilyar na pangalan sa mga
taeng hugis letrang nakalutang sa inidoro
pero ako pala'y tinatakasan ng pangalan kapag
tinitibi.
kinuha ko ang panimulang letra sa bawat pangungusap
ng bawat talata ng headline sa tabloid, nirambol,
upang tumuklas ng natatagong mensaheng maghahayag
ng lihim ng piramide o kaya'y ng mga obra ni Da Vinci
pero sino'ng niloloko ko?
paggising ko nang umaga, natagpuan ko ang hinahanap kong
pamilyariti sa hubad na katawan ng estrangherong
nakahilata sa aking kama.
27 july 05
wednesday
8.48 pm
* art by AquaSixio from www.deviantart.com/deviation/10612362/
Posted at 12:41 am by mr_batuta
Permalink
Aug 29, 2005
para sa iyo, sleeping beauty (ang mortal kong kaaway)
tinangka kong ika'y ikulong
sa salakab ng aking machismo
at sa iyo'y makipagbuno
na-underestimate kita-
ang akala kong goldfish, naging
isang dambuhalang isda
ako'y nilunok mo nang buo
magmula ngayon, ako'y tawagin
mo nang Jonas.
pero di tulad ni Jonas,
nais ko nang magtayo ng palasyo
sa loob mo
sa tuktok ng tore, doo'y kakampay
ang puting bandila
(kay tamis ng pagkatalo kung
ikaw ang kalaban!)
tatayo ako sa tore at ihahayag ang
mga sugat na aking tinamo-
mga kalmot ng kuko sa aking likod
at mga kagat sa aking leeg at dibdib
ang mga ito ang magsisilbi kong
medalya ng katapangan.
ngayon, ika'y nahihimbing sa
king size na dagat,
na kanina'y nagsilbi nating arena
ang dambuhalang isda, isa nang goldfish
na tila lango sa pormalin;
walang kibot sa lambat ng antok
nais ko sanang muling lumusong,
sukatin ang lalim ng arena
upang sa susunod, ako naman
ang manakop
subalit baka ika'y magising
at aaminin ko, ako'y hindi pa
handa sa muling pagkatalo
nanlalambot pa ang aking mga tuhod.
26 july 05
tuesday
7.10 pm
Posted at 03:52 pm by mr_batuta
Permalink
Aug 22, 2005
Ganito mo ako minahal-
dinurog, pinitpit, binilog
Ibinalot sa balatkayo mong pagsuyo
Ngunit hanggang kailan ako makikisawsaw
sa iyong toyo
Bago malasahang ako'y di pantawid-
gutom ng iyong layaw?
Posted at 08:32 pm by mr_batuta
Permalink
Nakalimutan mo na naman bang
isara ang gripo kagabi, honey
Bago ika'y tumungo sa trabahong panggabi?
Ako'y nagising sa hanggang beywang na baha
Tuloy ang kama natin ngayon ay basang-basa
Ang ating wedding pictures, lumalangoy
at kulay ay kumalat
Tila mga abstract painting na kahulugan
ay di masalat
Ang iyong ganda ay hindi maaninag
Ang ating mga ngiti, hindi masipat
nang maliwanag
Panyo ko na iyong regalo nung huli kong
kaarawan
Inanod din pala kasama ng mga larawan
Bukas mong aparador ay sinadya upang mga
damit mo ay masuri
Walang natagpuan kahit na isang panty
Tinungo ang banyo upang gripo'y isara
Habang iniisip kung saan, mga damit mo'y
dinala ng baha
Subalit natagpuan, gripong walang kibo
Hinuha ko'y mali, siyang napagtanto
Tubig na muntik nang lumunod sa akin kanina
Hindi pala tubig-baha kundi maalat na luha
Isang tanong ang sumundot sa puso kong natulala
Ito ba'y luha mo o luha ko, sinta?
19 july 05
tuesday
1.57 pm
*photo by DivineError; from http://www.deviantart.com/deviation/10069275/
Posted at 12:27 am by mr_batuta
Permalink
Aug 11, 2005
isang langaw
ang nagba-backstroke
sa malamig na sabaw
na hapunan
ng isang manggagawang
umaahon
sa mainit na baso ng alak
ng isang dayuhang kapitalistang
kumakawkaw
sa laot ng isang bansang
nalulunod
sa maligamgam na alon
ng demokrasya.
Posted at 09:27 pm by mr_batuta
Permalink
Pinapagpag ng hangin mula sa bentilador
ang mga dahon ng aking talaarawan.
Sumilip si Selya't pinahid ang kanyang luha,
ang una kong kasintahan.
Mga batang kalaro'y saglit na naghiyawan,
mag tinig na ngayo'y di na mahagilap.
Napadaan ang binatilyong may tangang balutan ng damit,
may sunong na paghihimagsik.
Kumampay ang libog ng prom night,
kaagapay ay bula sa baso ng alak.
Kumaluskos ang halimaw sa ilalim ng kama,
pumalahaw naman ang kalderong hungkag.
Ang bentilador ay isang time machine.
Posted at 09:15 pm by mr_batuta
Permalink
Pisilin ang kahel.
Ilapit sa ilong.
Marahan subalit mariin mong singhutin
Ang aroma nitong tila kamay ng dalagang
humahagod sa iyong kaluluwa,
patungo sa iyong alaala
Kung saan bubuksan ang pintong maghahayag
sa iyo ng isang Linggo ng umaga sa tag-araw -
May bahid pa ng himbing ang paligid, at
ang sinag ng araw, dumadausdos sa bagong punas
na baldosa't lababo ng kusina.
Biyakin.
Gumamit ng matalim na kutsilyo.
Kailangang mabilis at presiso.
Yung tipong magugulat ang kahel,
walang aray, at malalaman na lamang niya
na siya'y dalawa nang katauhan.
Masdan ang pagluha ng bawat kabiyak dala
ng pangungulila ng kaliwa sa kanan,
at ng kanan sa kaliwa
Gayunma'y di dapat mabagabag sapagkat
kailangan pang hiwaing muli ang kabiyak
Tumapyas ng manipis na hiwa.
Muli, mabilis, presiso.
Sapat nang luha ang ibubulwak ng kahel
upang diligin ang iyong uhaw
Kunin ang manipis na hiwa ng kahel-
Ang hugis na magpapaalala sa iyo ng langit
sa gabing pinalalamlam ng bulungan
ng magsing-irog sa damuhan.
Kagatin.
Marahan subalit mariin.
Banayad at presiso.
Lasahan ang pagsabog ng manamis-namis at
maasim-asim na kalawakan sa iyong dila
Damhin ang kilig at kiliting hatid ng pagputok
ng mumunting kristal sa loob ng iyong bibig.
Hayaang bumulwak ang katas mula sa iyong labi.
Pagapangin sa iyong baba ang malapot na ilog
Hanggang maging patak ng ulan sa hubad mong dibdib.
24 june 05
7.15 pm
thursday
Posted at 09:03 pm by mr_batuta
Permalink
|
|

|
|
|
ang kalungkutan ay isang bulate. sumusulpot sa tag-ulan ng iyong buhay,at sa tag-araw, akala mo'y wala. yun pala'y nagtatago lang sa ilalim ng lupa... bumabaon... lumalalim...
|